Ramblings of a Homesick Assignee
Ang bilis ng panahon. Walong buwan na ang nakalipas. Parang kelan lang, nasa NAIA ako nun at nakapila sa napakahabang linya papasok ng airport. Maiyak-iyak ako at mahihiwalay na naman ako sa aking pamilya at mga kaibigan. Pati na rin sa makukulit kong mga aso. Pang ilang alis ko na ito ng bansa pero ewan ko ba, di pa rin ako masanay-sanay.
Nagtataka ang iba kong mga kaibigan at kaopisina, ano ba ang ipagmumukmok ko dito sa Tate. Ang swerte swerte ko nga daw at onshore ako.
Sino nga naman ang ayaw ng extrang allowance. May per diem na, meron pang discretionary at telephone allowance. Libre bahay, kuryente at pakotse pa. Kahit sagot namin ang gas, meron naman gas allowance. Samantalang sa Pinas, yung sweldo mo lang ang matatanggap mo. May kotse rin akong minamaneho pero galing sa sweldo ko ang pambayad sa gas at parking. Kung mag commute naman ako, in danger ako sa mga snatcher at holdupper at kung ano ano pang -er sa tabi tabi.
Sino nga naman ang ayaw ng malinis na hangin at magandang kapaligiran, kahit saan ka pa mapadpad. Disiplinado ang mga tao, ang basura ay para lamang sa basurahan. Sa linis ng hangin nila, di ako tinutubuan ng pimples, ni hindi nga kumikintab mukha ko dito, tipid sa face powder. Samantalang sa Pinas, dekorasyon yata ang basura, kahit saan ka tumingin, nandyan sila. Madalas pa uuwi ako ng bahay na may isang katutak na pimples (ok lang sana, pero kung umalis ka ng bahay nung umaga na flawless ka, ibang usapan na yon).
Sino nga naman ang ayaw ng shopping sa magagandang tindahan. May outlet pa silang tinatawag kung saan branded ang mga damit, sapatos at gamit... affordable prices yon ha! Gap, Banana Rep, Old Navy, Nine West, Victoria's Secret, Kenneth Cole, the list goes on and on. Samantalang sa Pinas, ginto ang mga bagay na ito. Kahit gawin pa syang 90% off original price eh hindi pa rin sya kaya ng bulsa at konsensya ko!
Sino nga naman ang ayaw ng theme parks. Six Flags, Disney, Universal, mamatay ka sa kasasakay sa mga nakakamatay nilang rides at magpakasasa ka sa kanilang iba-ibang attractions. Samantalang sa Pinas, Enchanted Kingdom lang ang mapuntahan mo, pag sineswerte ka pa, sarado yung mga iilan na ok na rides. Kung ayaw mong lumayo, nandyan din naman ang Boom na Boom (pero di ko alam itsura nun, hanggang Payanig sa Pasig lang ako)
Sino nga naman ang ayaw ng weather channel. Accurate ang mga predictions, kung uulan ba, aaraw or mag-iisnow. Windchill, high/low temp, kumpleto ang info! Kaya alam mo rin kung ano isusuot mo at kung magdadala ka ng payong. Samantalang sa Pinas, araw-araw na lang na ginawa ng Diyos, wala ka na lang marinig kundi "pabugso-bugsong pag-ulan, pagkulog at pagkidlat". So manghula ka na lang kung magdadala ka ng payong at magsusuot ng jacket.
Sa lahat ng mga sinabi ko, bakit nagmumukmok pa rin ako dito! Simple lang ang kasagutan, isang linyang gasgas na pero tumpak na tumpak... "there's no place like home".
Wala man akong extra allowance, buhay pa rin naman ako sa aking sweldo. Nakaka-lunch out ng friday (minsan pa nga lunch out everyday). Nakaka-gimik every week (minsan every other day pa). Nakaka-shopping tuwing araw ng sweldo (minsan kahit hindi pa pay day, thank you credit card!). Masaya na ako sa Bayo, Kamiseta, SM, Landmark, Cinderella, Bench at Penshoppe. Buhay na rin ako sa local versions ng outlet... ang factory depot outlet at ang Divi. Dinadayo ko pa rin ang Enchanted, basta ba libre eh. Masaya na rin akong patext text lang at magbabad sa telepono.
At ang pinaka-importante, kasama ko sa Pinas ang aking pamilya at mga kaibigan... at shempre ang mga kinababaliwan kong alagang aso.
Walong buwan na pala. Sa tagal ng panahon ko dito, homesick pa rin ako. Weird ba? Di bale, apat na buwan na lang, uuwi na ako. Hopefully... for good. Should be... for good.
'Til then Pinas, don't miss me too much.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home